By Myris Lee
Hindi na mapigil ang Team Pilipinas sa pag buslo ng medalya sa pangalawang araw ng ika-31 na edisyon ng Southeast Asian Games (SEA) Games na ginaganap sa Hanoi, Vietnam.
Isang magandang umaga ang bumungad sa lahat sa pagkubra ni Fernando Casares ng ika-anim na gintong medalya ng bansa para sa Men’s Individual category ng triathlon kung saan naungusan nito ang kapwa Pinoy na si Andrew Remolino upang magkasiya lang ito sa pilak.
Pinagreynahan muli ng Pinay triathlete na si Kim Mangrobang sa pangatlong sunod na pagkakataon ang Women’s Individual category upang makamit ang pang pitong gintong medalya ng bansa habang nagtapos naman sa ikatlong pwesto si Raven Alcoseba.
Kumaripas din sa kumpetisyon para sa ika-8 ginto ng bansa si Aries Toledo para sa Men’s 100 Meter Decathlon.
Ang pang siyam na ginto ng bansa ay mula kay Pinay fencer Samantha Catantan dahil sa kanyang golden performance sa Women’s Foil Individual na dinagdagan pa ng pilak ng kaniyang teammate na si Noelito Jose Jr. para sa Men’s Epee Individual.
Nag reyna naman muli ang dalawang 2019 Manila SEA Games jiu-jitsu champion na si Meggie Ochoa at Annie Ramirez para sa Women’s -48 kilogram division at -62 kilogram, respectively.Â
Hindi naman nagpahuli si jiu-jitsu fighter Carlo Angelo Pena matapos maka pilak sa men’s -62 kilogram category.Â
Pinay girl power naman ang pinatunayan ng Women’s Artistic Gymnastics team na sina Chiara Andrews, Ancilla Lucia Manzano, Lucia Gutierrez, Kursten Lopez, Ma. Cristina Loberantes at Aleah Finnegan ng makubra ng mga ito ang pang labing isang ginto ng bansa sa kategorya, habang naka pilak naman si Aleah Finnegan sa Women’s Artistic Gymnastics.
Gaya ng inaasahan muling naka ginto si top Pinoy pole vaulter EJ Obiena sa isang record-setting performance sa pag rehistro niya ng 5.46 meters sa Men’s Pole Vault event ng biennial meet habang naka pilak naman ang Ilagan City, Isabela pride na si Hokket Delos Santos sa parehong kategorya.
Kinapos naman sa pagsadsad ang magkapatid na Kyla at Kayla Richardson sa women’s 200 meter upang magkasya lamang sa podium finish gayundin sina Joida Gagano (women’s 500 meter) at Alfrence Braza (men’s 1500 meter).
Naka tisod din ng tanso si Melvin Calano para sa Men’s Javelin Throw at Mirranda Renner sa Women’s 100m freestyle swimming event.
Nagdag muli sa medal haul ng bansa ang wushu athlete na si Jones Inso ng bronze medal para sa Men’s Taolu Taijijian event matapos mag ambag kahapon ng isang pilak para sa Men’s Taolu Taijiquan event.
Tuloy pa rin ang pagsagwan ng Pinoy rowers ng medalya nang masungkit ni Joanie Delgaco ang pilak sa Women’s Singles Sculls category at tatlong bronze medal mula kina Edgar Ilas at Zuriel Sumintac para sa Men’s Lightweight Pari at Tokyo Olympian Cris Nievarez para sa Men’s Lightweight Single Sculls.
Bigo man ang wushu artist na si Agatha Wong na madepensahan ang kanyang korona noong 2019 Manila SEA Games, hindi naman ito uuwing luhaan dahil sa pagbulsa ng pilak para sa Women’s Taolu Taijiquan.
Hindi magpapaiwan ang national women’s 3×3 basketball team sa men’s dahil sa pag abante nito sa semi finals ng kumpetisyon.
Samantala, nanatili pa rin sa ika-apat na puwesto ang bansa na mayroong labing isang ginto, labing walong pilak at dalawampu’t dalawang na tanso. – gbÂ